Sabado, Hulyo 9, 2011

Si Pinkaw

Si Pinkaw
(Maikling kwentong Hiligaynon)
Isabelo S. Sobrevega

               Naalimpungatan ako sa pag-idlip nang hapong iyon dahil sa napakaingay na sigawan at tawanan ng mga bata sa lansangan. Napilitan akong bumangon, nagpahid ng pawis at dumungaw sa bintana. Si pinkaw pala na sinusundan ng mga bata. May karga-kargang kung ano at pasayaw-sayaw na naglalakad. Gula-gulanit ang kanyang damit na ilang ulit nang tinagpian, at ang isang paa’y may medyas na marahil ay asul o berde. Hindi ko matiyak dahil malayu-layo na rin ang kanyang kinaroroonan. Sa kabilang binti, may nakataling pulang papel na may nakakabit na lata ng gatas sa dulo. Sa kanyang ulo, may nakapatong na palarang kumikinang tuwing tinatamaan ng araw.
          “Hoy, Pinkaw,” sigaw ng isang batang nakasandong abot tuhod at may itinatawing-tawing na daga, “kumanta ka nag ng blak is blak.”
          “Sige na, Pinkaw,” udyok ng iba pang mga bata.
          “Ayoko nga, nahihiya ako,” pakiyemeng sagot ng babae sabay subo sa daliri.
          “Kung ayaw mo, aagawin naming ang anak mo!” nakangising sabat ng pinakamalaki sa lahat. Mahaba ang buhok at nakakorto llamang. At umambang aagawin an gang karga ni Pinkaw. Umatras ang babae at hinigpitan pa ang yapos sa kanyang karga.
          Nagsigawan ang mga bata habang pasayaw-sayaw na pinalilibutan si Pinkaw.
          “Sige, agawin natin ang kanyang anak,” sabi nila sabay halakhak.
          Maya-maya’y nakita kong sumalampak si Pinkaw at nag-iiyak na tumadyak-tadyak sa lupa.
          “Huwag ni’yo namang kunin ang anak ko. Isusumbong ko kayo sa mayor.” Patuloy pa rin ang panunudyo ng mga bata sa babae. Lalong lumakas ang hagulgol ni Pinkaw. bata!
          Naawa ako sa babae at nainis sa mga bata. Kaya’t sinigawan ko sila upang takutin. “Hoy, mga bata! Mga salbahe kayo. Tigilan n’yo iyang panunukso sa kanya.”
Marahil natakot sa lakas ng pagsigaw ko ang mga bata kaya’t isa-isang nag-alisan. Nang wala na ang mga bata, tumingala sa akin si Pinkaw at nagsabing:
“Meyor, kukunin nila ang aking anak.”
Hindi ko napigilan ang pagngiti. May korone
L, may sardyen, may senador siyang tawag sa akin at ngayon nama’y mayor. “O sige, hindi na nila kukunin iyan. Huwag ka nang umiyak.”
          Nginitian niya ako. Inihele ang karga. Nahulog ang basahang nakabalot doon at nakita kong lata pala iyon ng biskwit. Dali-dali niyang pinulot iyon at muling ibinalot sa lata.
          “Hele-hele, tulog muna, wla rito ang iyong nanay...” ang kanyang kanta habang ipinaghehehebat siya’y patiyad na sumasayaw-sayaw.
          Natigilan ako. Lumala na ang pagkaloka ni Pinkaw. Nakakaawa naman.
          At naalala ko ang Pinkaw na dating kapitbahay naming sa tambakan, nang hindi pa iyon nababaliw.
          Paghahalukay ng basura ang kanyang hanapbuhay (narito sa amin ang tambakan ng basura ng siyudad); ditto siya nakakuha ng makakain, magagamit o maipagbibili. Dati-rati, madalas siyang kumakanta. Hindi kagandahan ang kanyang patagulaylay na pagkanta. Habang tumutulak sa karitong may tatlong gulong, pababa sa lubak-lubak at maputik na lansangan, sinusundan siya ng mga asong kumakahol. Isang bagay lamang ang mapupuna mo sa kanya—lagi siyang kumakanta. Hindi naman maganda ang kanyang boses—Basag nga at boses lalaki. Subalit may kung anong kapangyarihang bumabalani sa pandinig. Marahil dahil ito sa malungkot na tono ng kanyang awit o marahil sa iyong pagtataka kung bakit ganoon siya kasaya gayong naghahalukay lamang siya ng basura.
          Kadalasan, oras na ng pananghalian kung siya’y umuwi mula sa tambakan. Ang kariton niya’y puno ng mga karton, papel, bote , basahan, sirang sapatos; at sa bag na buri na nakasukbit sa gilid ng kariton, makikita mo ang kanyang pananghalian. Mga tira-tirang sardinas, karne norte o kaya’y pork-en-bins, pan de sal na kadalasa’y nakagatan na, at kung minsang sinuwerte, may buto ng prayd tsiken na may lamang nakadikit. Sa kanyang payat na katawan, masasabing tunay na mabigat ang kanyang itinutulak, ngunit magugulat ka, tila nagagaanan siya at madalas pang kumakanta ng kundimang bisaya.
          Pagdating niya sa harap ng kanyang barungbarong, agad niyang tatawagin ang mga anak: “Poray, Basing, Takoy, nanadito na ako.” At ang mga ito’y kaagad magtatakbuhang magkasalubong sa kanya habang hindi magkaringgan sa pagtatanong kung may uwi siyang jeans na istretsibol; ano ang kanilang pananghalian, nakabili raw ba siya ng bitsukoy?
          Dalawang taon kaming magkapitbahay ngunit hindi ko man lang nabatid ang tunay niyang pangalan. “Pinkaw” ang tawag ng lahat sa kanya. Ayon sa kanya, balo na raw siya. Namatay ang kanyang asawa sa sakit na epilepsy habang dinadala niya sa kanyang sinapupunan ang bunsong anak. Subalit sinusumpa ni Pisyang sugarol sa kanyang paborit ong santo na hindi raw kailanman nakasal si Pinkaw. Iba-iba raw ang mga ama ng kanyang tatlong anak. Ang kanyang panganay na si Poray, ay labis na mataas para sa kanyang gulang na labintatlong taon at napakapayat. Tuwing makikita mo itong nakasuot ng istretsibol na dala ng ina mula sa tambakan, agad mong maaalala ang mga panakot-uwak sa maisan. Si Basing ang pangalawa, sungi na ngunit napakahilig pumangos ng tubo gayong umaagos lamang ang katas nito sa biyak ng kanyang labi. Ang bunso na marahil ay mga tatlong taon pa lamang ay maputi at gwapong-gwapo. Ibang-iba siya sa kanyang mga kapatid kaya minsa’y maiisip mo na totoo nga ang sinasabi ni Pisyang sugarol.
          Pagkatapos mananghalian, aalisin na ni Pinkaw ang laman ng kariton, ihihiwalay ang mga lata, ang mga bote, ang mga karton, at iba pang bagay na napupulot sa tambakan katulong ang kanyang mga anak, at ang suungi ang siyang pinakamalakas na tinig. Pagkatapos, itutulak na niya ang kariton patungo sa Intsik na tagabili.
          Mahal na mahal ni Pinkaw ang kanyang mga anak. Sa tambakan, karaniwang makikita mo na sinasaktan ng mga ina ang kanilang mga anak, ngunit hindi mo man lang makikita si Pinkaw na inaambaan ang kanyang mga anak.
          “Ang mga bata,” nasabi niya minsang bumibili ng tuyo sa tindahan at nakitang pinapalo ng isang ina ang maliit na anak na nahuling tumitingin sa malalaswang larawan. “Hindi kailangang paluin; sapat nang sabihan sila nang malumanay. Iba ang batang nakikinig sa magulang dahil sa paggalang at pagmamahal. Ang bata kung saktan, susunod siya sa iyo subalit magrerebelde at magkikimkim ng sama ng loob.”
          Sa tunggalian ng kabuhayan sa tambakan, kung saan ang tao ay handang tumapak sa ilong ng kapwa-tao upang mabuhay, nakapagtataka ang katangian ni Pinkaw. lubha siyang matulungin, lalo na sa katulad niyang naghahalukay lamang ng basura. Madalas siyang tumutulong sa pagtutulak ng kariton ng iba, lalo na ng matatanda at bata. Sinasabi rin na sa pagsisimba niya tuwing linggo’y hindi kukulangin sa beinte sentimos ang ipinamamahagi niya sa pulubi.
          Batid  ng lahat sa tambakan ang mga ito. Minsan, nagkasakit ng El Tor ang sunging anak ni Pinkaw. nagtungo siya sa suking Intsik. Nakiusap na pautangin siya. Magpapahiram naman daw ang Intsik ngunit sa isang kundisyon. Bukambibig na ang pagkahayok sa babae ng Intsik na ito, kaya pinagdugtong-dugtong ng mga taga-tambakan kung ano ang kundisyong iyon, sapagkat wala naman talagang nakasaksi sa pag-uusap ng dalawa. Batid na ng lahat ang sumunod na nangyari. Ang pagkabasag ng kawali na inihambalos ni Pinkaw sa ulo ng Intsik.
          Hindi rin nadala ni Pinkaw sa doctor ang kanyang anak. Pag-uwi niya, naglaga siya ng dahon ng bayabas at ipinainom sa anak. Iyon lamang ang nagpagaling sa bata.
          “Nagpapatunay pa rin na may awa ang Diyos. Kung ninais niyang mamatay ang aking anak, sanay namatay na. Ngunit dahil nais pa niyang mabuhay ito, nabuhay na kahit hindi naipaduktor,” sabi ni Pinkaw nang magpunta siya sa tindahan bago pa man gumaling ang kanyang anak.
          Minsan, napag-usapan ng mga nagtitipon sa tindahan ang tungkol sa bigas, relip, at iba pang bagay na ipinamimigay ng ahensya ng pamahalaan na nangangalaga sa mahirap. Subalit si Pinkaw na nagkataong naroroon, “Bakit iaasa ko sa pamahalaan ang aking pamumuhay? Malakas at masigla pa naman ako sa pagtutulak ng aking kariton upang maging palamunin. Marami pang iba riyan na nararapat bigyan ng tulong. Ang hirap lang sa ating gobyerno, kung sino ang higit na nangangailangan ay siyang hindi tinutulungan. Ngunit ang ibang tao riyan na mabuti naman ang kalagayan sa buhay ang siyang nagkakamal ng tulong. Kalokohan...”
          Iyan si Pinkaw. kontento na siya sa kanyang maaabot sa buhay.
          Naganap ang susunod na pangyayari ng wala ako sa amin sapagkat nasa bahay ako ng kapatid kong maysakit. Isinalaysay na lamang ito ng aking mga kapitbahay pagbalik ko, at matinding galit ang aking nadama sa kanila.
          Isang araw pala, matapos mananghalian ang mag-anak, bigla na lamang namilipit sa sakit ngtiyan ang mga bata. Marahil, sardinas o anumang panis na pagkain ang naging sanhi nito.
          Natuliro si Pinkaw. Nagsisigaw. Tumakbo sa mga kapitbahay upang humingi ng tulong. Ngunit wala silang maitulong maliban sa pagsasabihan siyang dalhin ang anak sa ospital.
          Walang nagdaraang sasakyan sa kalyehon kaya sa kariton isinakay ni Pinkaw ang mga anak. Nagtungo siya sa bahay ng doctor na malapit lamang, ngunit wala ang duktor sapagkat naglalaro raw ito ng golf, ayon sa katulong.
          Kaya natatarantang itinulak ni Pinkaw ang kanyang kariton sa isa ppang duktor. Matagal siyang tumimbre sa trangkahan ngunit walang nagbukas gayong nakita niyang may sumisilip-silip sa bintana.
          Litong-lito, itinulak na naman ni Pinkaw ang kanyang kariton papuntang bayan. Halos din a makakilos sa pangangapos ng hininga, bukod pa sa lubhang kalungkutan sa pagiging maramot ng kapalaran. Ipinagpatuloy niya ang pagtulak ng kariton.
          Nang makarating siya sa punong kalsada, maraming sasakyan siyang pinapahinto upang isakay ang maysakit na mga anak, ngunit wala ni isa man lang ang tumigil. Maya-maya’y napansing hindi na kumikilos ang kanyang panganay. Sinalat niya ito at parang sinakluban siya ng langit nang mabatid niyang ito’y hindi na humihinga. Humahagulgol niyang ipinagpatuloy ang pagtulak ng kariton upang sikaping mailigtas ang buhay ng dalawa pa niyang anak. Maraming tao ang nagmamasid lamang sa kanya ngunit nakapagtataka kung bakit wala man lang kahit isa ang lumapit sa kanya upang tumulong. Tumatalbog-talbog ang katawan ng kanyang mga anak sa kariton tuwing dumaraan ito sa lubak-lubak na kalsada.
          Pakiramdam niya’y isang daang taon na lumipas bago niya narating ang ospital ng pamahalaan. Matapos ang pagtuturuan ng mga duktor at nars, na ang binibigyang pansin lamang ay ang mga pasyenteng mukhang mayaman, nalapatan din ng gamut ang dalawang anak ni Pinkaw.
          Kinagabiha’y namatay si Basing, ang sungi. Dalawang araw pa ang lumipas at sumusunod namang namatay ang bunso.
          Nakarinig na naman ako ng mga ingay. Muli akong dumungaw. Bumalik si Pinkaw, sinusundan na naman ng mga pilyong bata.
          “Hele-hele, tulog muna. Wala rito ang iyong nanay...” ang kanta niya habang ipinaghehele sa kanyang mga bisig ang binihisang lata. 

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento